Nang mabasa ko ang tulang ito nang ito'y iuwi ng aking anak na panganay, natuwa ako sa ganda ng pagkakasulat at senseridad ng may-akda. Nararapat lamang na ito ay gamitin bilang isa sa kanilang mga aralin. Hindi lamang ito kailangang isaulo ng isang mag-aaral kundi dapat tandaan ng buong puso upang siya ay gabayan sa kanyang pamumuhay bilang mabait, masinop, masunurin, mapagmahal, makabansa, at makalikasang batang Pilipino na siyang makatutulong sa pag-unlad ng ating bansang Pilipinas. Sabi nga ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, "Ang kabataan ay pag-asa ng ating bayan." Samahan ninyo akong basahin at damhin ang makabuluhang tulang ito na pinamagatang "Ako'y Mabuting Batang Pilipino".
----------------------------------------------------------
Ako'y mabuting batang Pilipino
Sumusunod sa mga payo at panuto
Magulang ay iginagalang ko
Mga kapatid minamahal ko
Masipag akong mag-aral at matuto
Laging nakikinig sa aking mga mahal na guro
Upang magamit mga natutuhang bago
Para higit pang maging mabuting tao
Sa mga away at gulo ako'y umiiwas
Upang 'di umuwing may bukol at gasgas
Ang oras ko'y sa mabuti pinalilipas
Laman ng puso't isipan ko'y wagas
Kapag bumibili ng mga produkto
Ang pinipili ko'y gawang Pilipino
Pinakikinggan ko'y sarili nating musika
Ginagamit ko lagi ang sarili nating wika
Inaalagaan ko ang ating kalikasan
Basura'y itinatapon sa tamang basurahan
Mga gamit na pwede pang pakinabangan
Tinitipon ko't ginagamit muli kapag kinakailangan
Kung lahat ng batang Pilipino'y magsisikap
Na lumaking matatalino, mabuti at tapat
Makatutulong tayo sa minimithing pag-unlad
Upang bansa nati'y sumulong at umusad
--------------------------------------------------------------------------
Bilang isang mamamayang Pilipino, paano mo ipinakikita na ikaw ay isang mabuting tao? Kung ikaw naman ay isang ina o ama, anu-ano ang mga ituturo mo sa iyong anak upang siya'y lumaking mabuting batang Pilipino?
Ang May Akda:Ang tulang ito ay halaw mula sa Pinagyamang Pluma 3.
0 comments:
Post a Comment